Wednesday, July 21, 2010

Byaheng Edsa

Alas syete y media ng lumabas ako ng Opisina. Salamat naman at madali akong nakasakay at hindi siksikan sa jeep. Nagbayad ako agad para hindi ko makalimutan. Byaheng Edsa ang takbo namin. Sa loob ng jeep di ko napigilan tignan ang katapat kong babae. Namali ba ako ng nakita o sadyang umiiyak sya? Muli ko syang tinignan upang makasiguro. Mamasa masa ang mata nya na parang maiiyak. Ang kamay ay may hawak na panyong tumatakip sa kanyang bibig at ilong. Parang pinipigilan ang mapaiyak. Naisip ko na lang na baka inaantok lang at naghihikab kaya naluluha. Ibinaling ko sa labas ang aking tingin. Naiiling na napabuntong hininga dahil ang haba na naman ng trapik. Sa mahabang araw ng pagtatrabaho mo kung kelan uwing uwi ka na eh sasalubungin ka ng mahabang trapik.

Napapalatak ang isang mama sa aking kanan. Tinignan ko siya, naisip kong nagmamadali din siyang makauwi. Siguro ay naghihintay na sa kanya ang pamilya upang sabay sabay na kumain. Nakamaong sya at may bag pack na dala. Nakatsinelas lang siya at nakasumbrero ng pabaligtad. Sa hula koy isa syang laborer. Maitim din kasi ang balat nya na wari'y bilad sa araw. Panay ang silip niya sa labas ng bintana ng jeep at saka papalatak ng malakas.

Nung mga unang araw ng pag-upo ni pangulong Noynoy, napansin ko ang pagbabago sa trapiko at bahagyang lumuwag ito. Pero ngayon, mukhang bumabalik na naman sa dati. Ang dating kinse minutos na paglalakbay papuntang kapitolyo ay naging trenta minutos na.

Napatingin muli ako sa babae sa tapat ko. Ngayon mas tinalasan ko ang pagtingin. Napansin ko ang magandang make up sa kanyang mukha. Bagay dito ang kulay ng eye shadow nya. Naglalaro sa black-gray-silver ang mga kulay nito. Bagay na bagay sa maputi at makinis nyang mukha. "Smokey eyes" ang tawag sa eyeshadow na ito. Alam ko dahil gustong gusto ko ang ganitong eyeshadow. Halatang mamahalin ang make up nito dahil hindi nagugulo kahit patuloy na nababasa ng luha nito. Dito ko napansin na talagang lumuluha sya dahil tumagilid sya ng mapansin na nakatingin ako. Nahiya din akong bigla, alam kong hindi magandang tumitig sa kapwa lalo pa't di mo naman kakilala. Naisip ko lang, ano kayang iniiyak nya? Masyado ba itong malala at hindi na nya napigilan pa? Siguro ay nag-away sila ng boyfriend nya.

"Ay sus naman!" malakas at nakakagulat na sabi ng driver. Nainis sa sumingit sa kanya dahil muntik na namin masagi ang tagiliran nito. Kinalabit at hinawakan sya sa braso ng babaeng katabi nya na parang sinasabi nitong "cool ka lang". Napatingin ako sa salamin at tinitigan ko ang mag-asawa. Ang sweet naman nila. Ang lambing naman tignan na sinasamahan ng babae ang kanyang asawa sa pagdadrive nito. Sana lang ay wala silang naiwang mga anak sa bahay na maghihintay sa kanila. Lalong napalatak ang mamang nakasumbrero ng pabaligtad. Inip na inip at hindi na mapakali sa upuan. Sisilip sa bintana at titingin sa unahan. Maya maya ay sumandal ulit parang batang sumimangot, walang nagawa sa trapik. Ang katapat naman nitong lalaki ay tila walang pakialam at abala sa pakikipag usap sa telepono. Minsan tatawa, minsan pabulong magsalita at minsan pa ingles ingles pa. May isang babae din na mukhang sa call center nagtatrabaho dahil halatang bagong gising at bagong ligo pa. nakalugay ang basang basang buhok. Tignan mo nga naman ang buhay ng tao, ang iba ay pauwi na galing sa maghapong pagtatrabaho, ang iba naman ay papasok pa lang at mag-uumpisa pa lang ang araw.

Muli akong napatingin sa babaeng umiiyak na ngayon ay napansin kong nakablouse na puti at nakamini skirt na kulay navy blue. Sinipat ko kung may company tag ang kanyang blouse at nakita ko dun nakasulat ang "SM Appliance". Sales lady, sa isip isip ko. Baka hindi maganda ang araw nya ngayon. Tumagilid pa ulit sya ng upo, ngayon ay mas obvious na kasi ang kanyang pagluha dahil napansin na din ng katabi nyang kanina lang ay natutulog sa sobrang trapik. Nakagreen na barong ang lalaki at gray ang pants. Ang sapatos nito ay patulis na itim na itim. May dala itong leather clutch na nakapatong sa hita. Siguro ay nag oopisina rin ang isang ito at hindi katulad ng nakamaong at nakasumbrero ng pabaligtad, malamang na above minimum ang sinasahod nito. Nakahalukipkip ang mga kamay nito sa pagitan ng mga hita habang ang mga mata ay naglalakbay sa katabi. Hindi ko matiyak kung ang pag iyak ng babae ang tinitignan nya o ang malaking hinaharap nito na halatang halata sa puti nitong blusa. Ang mga lalaki nga naman, kung hindi sa mukha eh sa kung saang parte ng katawan ng babae tumitingin.

Tinignan ko isa isa ang mga kasakay ko sa jeep. Ganito pala kapag wala kang magawa at nasa kalagitnaan ka ng trapik. Madami kang mapapansin. Sa sampung kasama ko sa loob ng jeep nakabuo ako ng ilang kwento tungkol sa ilang karakter sa loob nito. Naisip kong iba ibang klase ng tao ang mga naririto. May nag-oopisina, may laborer, may broken hearted na sales lady, may cellphone addict, may mag-asawang masaya sa pagbabyahe, may call center agent at may isang tsismosang katulad ko.

Alas otso y dyes na ng mamataan ko ang Edsa. Hay, siguradong pasado Alas y nuebe na naman ako makakarating sa bahay nito. Buti na lang may mga kasama ka sa byahe na pwede mong gawing karakter sa isang kwento. Isang kwentong hango sa iba't ibang buhay ng tao sa loob ng byaheng ito.

No comments:

Post a Comment